Pinoy, patay sa drone attack sa Saudi oilfield!
MANILA, Philippines — Isang Pinoy ang iniulat na kabilang sa dalawang katao na nasawi sa isang intercepted drone attack na ang target ay isang oilfield facility sa Saudi Arabia.
Kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac ang pagkamatay ng OFW. Aniya, nasa loob ng isang sasakyan ang Pinoy ng tamaan ng mga debris.
Una nang iniulat ng energy ministry ng Saudi na na-intercept ng kanilang air defenses ang drone habang patungo sa isang pasilidad sa Shaybah oilfield sa Saudi Aramco noong Miyerkules. Nagresulta ang pag-atake sa pagkamatay ng dalawang residente, na kinabibilangan ng Pinoy at ng isang Nepali.
Bukod umano sa kanila, may dalawa pang nasugatan sa pag-atake, na kinabibilangan ng isang Pakistani at isang Indian national.
“The attempted attack resulted in the deaths of two residents, one Filipino and one Nepali, and injuries to two residents, one Pakistani and one Indian due to falling debris following the interception,” anang ministry.
Nabatid na ang insidente ay nagdulot din ng pagkasunog ng isang sasakyan sa labas ng pasilidad. Gayunman, hindi naman anila ito nakaapekto sa operasyon ng oil field.
Nakausap na ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) ang pamilya ng biktima at naimpormahan hinggil sa insidente. Tiniyak din ni Cacdac na pagkakalooban nila ng tulong ang pamilya kabilang na ang agarang repatriation o pagpapauwi sa bangkay nito.
Samantala, walang Pinoy na nasaktan sa pinakahuling pag-atake sa King Fahd International Airport sa Dammam, Saudi Arabia.
Iniulat ng Saudi Civil Aviation Authority na ang panibagong pag-atake sa King Fahd International Airport ay ikinasawi ng isang indibidwal at ikinasugat ng walong iba pa.
Una na rin naman itong tinarget sa sunud-sunod na Houthi missile strikes laban sa mga paliparan sa Saudi.
Sa pag-atake noong Oktubre 11 ng mga rebeldeng Houthi sa King Khalid International Airport sa Riyadh, pitong Pinoy ang nasugatan. Tatlo ang kritikal at kinailangang i-admit sa intensive care unit (ICU). Dalawa sa kanila ang humusay na ang kondisyon at nailipat na sa regular ward. Nananatili pa rin sa ICU ang isa pa.
- Latest




















