Palasyo kay Bato: Sumuko na para hindi dumanak ang dugo

MANILA, Philippines — Hinimok ng Malakanyang si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na sumuko na at harapin ang arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) upang maiwasan ang posibleng pagdanak ng dugo.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na mas mabuting sumunod na lamang ang senador sa proseso ng batas.
“Sumuko ka na. Sumuko ka na kasi para wala nang dugong dadanak,” ani Castro.
Ginawa ni Castro ang panawagang ito matapos ihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nasa Mindanao si Dela Rosa at nasa pangangalaga ng isang grupo na kasalukuyang kinakausap ng gobyerno upang hikayating sumuko ang senador.
Ayon kay Remulla, hindi magiging madali para sa mga awtoridad na arestuhin si Dela Rosa dahil maaari itong humantong sa komprontasyon at pagdanak ng dugo.
Nanawagan din si Castro sa mga taong umano’y kumakanlong kay Dela Rosa na pairalin ang batas at huwag magsilbing kasangkapan ng sinumang dapat humarap sa proseso ng hustisya at managot sa ilalim ng batas.
- Latest















