Bangko pinasok: Nag-iisang holdaper timbog!
MANILA, Philippines — Dahil sa tip ng isang concerned citizen, matagumpay na napigilan ng pulisya ang isang bank robbery matapos nilang masukol sa loob ng bangko ang nag-iisang armadong holdaper na nagkakalkal na mga kagamitan sa loob ng isang kilalang bangko sa Rosario, Batangas.
Sa report ng tanggapan ni Batangas Provincial Police Office (PPO) Director P/Col. Oliver Ebora, nangyari ang insidente sa isang sangay ng bangko sa Brgy. Poblacion C, Rosario bandang alas-5:15 ng hapon noong Sabado.
Ayon kay Ebora, isang tao ang nag-tip sa mga nagpapatrolyang pulis hinggil sa lalaking nakita nitong puwersahang binubuksan ang glass door ng nasabing bangko.
Agad na rumesponde ang mga elemento ng Rosario Municipal Police Station (MPS) at inabutan nilang wasak na ang lock ng pintuan ng bangko at naaktuhan din nila ang kawatan na nasa loob at nagkakalkal sa mga drawer dito at target ding wasakin ang kaha de yero sa loob ng bangko.
Hindi na nakapalag ang suspect matapos siyang mapalibutan ng arresting team ng pulisya at arestuhin. Napag-alaman na isang 30-anyos ang suspek, walang hanapbuhay at taga Pinamalayan, Oriental Mindoro. Nakumpiska rin sa pag-iingat nito ang isang cal. 45 pistol na may limang bala.
- Latest




















