Remulla: Dugo dadanak ‘pag inaresto si Bato!

MANILA, Philippines — Nagbabala si Interior Secretary Jonvic Remulla na maaaring humantong sa madugong sagupaan ang anumang tangkang pag-aresto kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban dito.
Ayon kay Remulla, kasalukuyang nagtatago si Dela Rosa sa Mindanao at pinoprotektahan umano ng isang makapangyarihang grupo na may mga armadong tauhan.
Sinabi niya na nakikipagnegosasyon ang mga awtoridad para sa kusang pagsuko ng senador dahil posibleng maraming masasawi sa hanay ng pulisya kung magsasagawa ng direktang operasyon.
“He’s hidden in deep,” sabi ni Remulla.
Dagdag pa niya, maraming armadong tauhan at sapat na pondo ang grupong umano’y nagtatanggol kay Dela Rosa kaya kinakailangan ang maingat na pag-uusap sa halip na puwersahang pagdakip.
“They are very financially — have a lot of armed men,” he said. “We have to [negotiate], otherwise if we go in hard, the body bags will be high,” dagdag niya.
Binalaan din niya na maaaring mas malala pa umano sa nangyari sa Marawi City noong 2017 ang maging bilang ng mga masasawi kung magkakaroon ng armadong komprontasyon.
“We do not want a civil war to start because of arrest of one man,” wika ni Remulla.
Gayunman, hindi tinukoy ni Remulla kung anong grupo ang umano’y nagpoprotekta kay Dela Rosa at wala rin siyang iniharap na ebidensya upang patunayan ang kanyang pahayag.
Nagtatago na si Dela Rosa mula nang umalis sa Senado noong Mayo matapos subukang ipatupad ng mga awtoridad ang ICC warrant kaugnay sa kanyang umano’y papel sa mga pagpatay sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.
Samantala, inamin ni Remulla na pinagsisisihan niyang hindi niya inaresto si Dela Rosa nang magpakita ito sa Senado noong Mayo.
Ipinaliwanag niya na umasa siya noon sa isang “gentlemen’s agreement” at sa katiyakan ni noo’y Senate President Alan Peter Cayetano na nasa kustodiya ng Senado si Dela Rosa at sila na ang bahala sa sitwasyon.
Dahil dito, sinabi ni Remulla na hindi na siya aasa sa anumang impormal na kasunduan na maaaring makahadlang sa pagpapatupad ng batas.
“Wala nang gentlemen’s agreement. Hindi ko na ito igagalang. Hindi ko lalabagin ang batas, ngunit hindi rin dapat gamitin ang mga ganitong kasunduan bilang panangga laban sa pagpapatupad nito,” aniya.
Samantala, sinabi ni Remulla na nasa France pa umano si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects. Nagsisikap ang pamahalaan na makakuha ng Interpol Red Notice upang matunton at maaresto ang dating kongresista.
Pinaniniwalaang nasa Cambodia naman ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, habang nagtatago umano sa kabundukan ng Cordillera si dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag. Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa dalawang pugante.
- Latest





















