Palasyo, dumistansya sa persona non grata kay Quan

MANILA, Philippines — Ipinauubaya ng Malacañang sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang anumang hakbang kaugnay ng panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan.
Sa isang press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na matagal nang malinaw ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pakikipag-usap at pakikipagnegosasyon sa liderato ng ibang bansa, kabilang ang China, ay dapat isinasagawa sa paraang diplomatiko.
Nilinaw rin ni Castro na hindi uurong ang pamahalaan sa pagtatanggol sa teritoryo at pambansang interes ng bansa, kabilang ang sa West Philippine Sea (WPS). Aniya, gagawin ito sa pamamagitan ng diplomasya at hindi sa agresibong hakbang.
Gayunman, sinabi ni Castro na nais ng Pangulo na mabigyang-pansin at maimbestigahan ang mga negosyo at foundation na umano’y tumatanggap ng pondo mula sa ibang bansa.
Tungkol naman sa mga naging pahayag ni Jing Quan na itinuturing ng ilan na hindi na diplomatiko, sinabi ni Castro na ipinauubaya na ng Pangulo ang usapin sa DFA dahil ito ang pangunahing ahensiyang may mandato na makipag-ugnayan sa mga kinatawan at lider ng ibang bansa.
Aniya, ang DFA ang may responsibilidad na tugunan ang anumang isyu o concern sa pamamagitan ng umiiral na diplomatikong mga mekanismo upang mapanatili ang maayos na relasyon ng Pilipinas sa ibang mga bansa.
- Latest




















