5 kandidato sa Chief Justice, sasalang sa interview ng JBC
MANILA, Philippines — Sisimulan ng Judicial and Bar Council (JBC) sa Oktubre 22 ang panayam sa limang kandidato para sa mababakanteng posisyon ng Chief Justice ng Korte Suprema, kasunod ng pagreretiro ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo sa Nobyembre 6 pag-abot niya sa mandatory retirement age na 70.
Unang haharap sa JBC sina Senior Associate Justice Marvic Leonen at Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, ang dalawang pinakamatandang incumbent magistrate ng Korte Suprema. Nakatakda namang ma-interview sa Oktubre 26 sina Associate Justice Rodil V. Zalameda, Associate Justice Japar B. Dimaampao, at Associate Justice Jose Midas P. Marquez.
Ayon sa Korte Suprema, bukas sa media ang mga panayam. Hindi bababa sa tatlong oras ang inilaan para sa bawat panayam nina Leonen at Caguioa. Kapwa sila itinalaga sa Kataas-taasang Hukuman ng yumaong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Matapos ang proseso, magsusumite ang JBC ng hindi bababa sa tatlong nominadong kandidato kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pipili ng susunod na Chief Justice.
Si Gesmundo ay naging associate justice ng Korte Suprema noong Agosto 14, 2017 bago itinalagang Chief Justice noong Abril 5, 2021.
Samantala, pinaalalahanan ng JBC ang publiko na maaari silang magsumite ng sworn complaint, report, o opposition laban sa alinmang kandidato hanggang alas-4:30 ng hapon ng Oktubre 27.
- Latest


















