Minor na nagdala ng baril sa klasrum, kinasuhan na
MANILA, Philippines — Kinasuhan na ng criminal complaint ang 15-anyos na Grade 10 student na nahuling nagdala ng baril sa loob ng classroom sa Catarman National High School sa Barangay Dalakit, Catarman, Northern Samar, noong October 1.
Ayon kay PNP Region 8 Chief Brig. Gen Romano Cardiño, ang pagsasampa ng kaso ay bunsod nang naging assessment ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) na alam ng minor ang kanyang ginawa.
Nitong October 14, naipalabas ng Catarman Municipal Police Station (MPS) sa ilalim ng Northern Samar Police Provincial Office (NSPPO) ang investigation records at supporting evidence para sa Office of the Provincial Prosecutor sa Catarman para sa kaukulang legal action.
Ang kaso ay may kinalaman sa paglabag ng minor sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Tiniyak ni Cardiño na ang kaso ay alinsunod sa itinatakda ng batas habang pinangangalagaan ang karapatan at pagkakakilanlan ng naturang minor.
- Latest





















