EDITORYAL — Pilipinas, nangunguna sa may pinakamataas na disaster risk
SA inilabas na 2026 World Risk Index noong nakaraang Setyembre 2026, nanguna ang Pilipinas bilang bansang may pinakamataas na disaster risk sa 193 miyembro ng United Nations. Nauna tayo sa India, Indonesia, Colombia at Mexico.
Hindi na ito nakapagtataka. Nasa Pacific Ring of Fire ang bansa at regular ding dinaraanan ng mga bagyo mula sa Pacific Ocean.
Nakapaligid din sa Pilipinas ang mga bulkan kaya lagi na lamang may mga pagsabog na nagaganap at mga pagyanig.
Mataas din ang exposure ng bansa sa tsunami, coastal flooding at sea-level rise.
Pero hindi ibig sabihin na wala nang magagawa dahil lamang sa lokasyon ng bansa sa mapa.
Hindi lang kasi sinusukat ng World Risk Index kung gaano kadalas maaaring tamaan ng sakuna ang isang bansa.
Kasama rin dito ang vulnerability, kung gaano kahanda ang lipunan at kung gaano kalaki ang maaaring maging epekto kapag may disaster.
Kabilang dito ang kahirapan, kalidad ng public infrastructure at dami ng taong nakatira sa mga lugar na mataas ang panganib.
Dito dapat nakatuon ang gobyerno. Hindi natin mapipigilan ang lindol. Hindi rin natin kayang ilihis ang bagyo.
Pero kaya nating tiyaking matibay ang mga gusali at tulay, maayos ang drainage at flood-control systems, may malinaw na evacuation plans, at mabilis makarating sa komunidad ang babala bago dumating ang panganib.
Higit sa lahat, ang pondong para sa flood control at iba pang disaster-prevention projects ay dapat mapunta sa mga proyektong talagang magpoprotekta sa publiko—hindi mawala sa korapsiyon.
Mahalaga rin na hindi manatili sa danger zones ang mga pamilyang walang ibang mapuntahan.
Walang saysay ang paulit-ulit na evacuation kung pagkatapos ng bawat sakuna ay babalik din sila sa parehong lugar dahil wala namang ligtas na alternatibo.
Kaya hindi dapat tanggapin na normal lang na numero uno tayo sa disaster risk dahil “ganito talaga ang Pilipinas.”
Ang hazard ay bahagi ng heograpiya. Pero kung gaano karaming buhay, bahay at kabuhayan ang mawawala kapag dumating ang sakuna ay nakadepende rin sa paghahanda.
Hindi natin kontrolado kung saan nakalagay ang Pilipinas sa mapa. Pero kontrolado natin kung gaano tayo kahanda bago dumating ang susunod na sakuna.
- Latest















