QCPD Police Clearance chief tanggal sa pwesto

Party muna bago serbisyo
MANILA, Philippines — Pansamantalang tinanggal sa puwesto ang hepe ng Police Clearance Section ng Quezon City Police District (QCPD) kaugnay ng reklamo sa umano’y pagkaantala ng pagproseso ng police clearance sa Quezon City Hall.
Sa pahayag ng QCPD nitong Miyerkules, sinabi nitong isinailalim sa imbestigasyon ang insidente matapos ireklamo na nagdiriwang umano ng kaarawan ang ilang tauhan sa opisina sa halip na asikasuhin ang mga aplikante.
Ayon sa QCPD, seryoso nilang tinutugunan ang reklamo at nagsasagawa ng mga hakbang upang matukoy ang tunay na nangyari. Layunin ng naturang sistema na matiyak ang tuluy-tuloy na serbisyo alinsunod sa Anti-Red Tape Act at Republic Act No. 11032.
Nilinaw ng QCPD na administratibong hakbang lamang ang pagkakasibak sa puwesto habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon. Sinumang mapatunayang lumabag sa mga umiiral na batas at regulasyon ay mananagot alinsunod sa tamang proseso.
Hinimok din ng QCPD ang naglabas ng reklamo sa social media na magsumite ng pormal na reklamo at kaukulang ebidensiya upang makatulong sa patas at maayos na pag-usisa sa insidente.
- Latest


















