4 Pinay patungong Myanmar hinarang sa NAIA

MANILA, Philippines — Hinarang ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Pilipino sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Oktubre 6 dahil sa kahina-hinalang mga dokumento at hindi tugmang deklarasyon sa kanilang biyahe patungong Myanmar.
Ayon sa BI, unang sinabi ng mga pasaherong sina “Lin”, 27; “Tina”, 22; “Mela”, 25; at “Shelly”, 41, na pupunta sila sa Thailand para sa limang araw na incentive trip na sagot umano ng kanilang kumpanya.
Gayunman, sa ikalawang inspeksyon, inamin umano nilang hindi sila empleyado ng kumpanyang kanilang kinatawan at ang tunay nilang destinasyon ay Myanmar, kung saan inalok sila ng trabahong customer service na may sahod na US$1,000 hanggang US$1,500 kada buwan.
Lumabas din sa imbestigasyon na sa Facebook, Telegram at iba pang online platform sila nirekrut. Ang mga recruiter umano ang nagbigay ng mga dokumento para sa kanilang biyahe at trabaho, ngunit may nakitang mga kahina-hinalang papeles at hindi tugmang detalye sa kanilang mga tiket pabalik.
Dahil dito, itinurn-over ang apat sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang pagsusuri at kaukulang tulong. Bahagi ito ng pagsisikap ng pamahalaan na labanan ang ilegal na recruitment at human trafficking at protektahan ang mga Pilipino laban sa pagsasamantala sa ibang bansa.
- Latest
















