PCG: China hinarang medevac ng sundalo sa Ayungin
MANILA, Philippines — Inakusahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang China Coast Guard (CCG) ng paghadlang sa emergency medical evacuation (medevac) ng isang tauhan ng Philippine Navy mula sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong Oktubre 8.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, ipinadala ang BRP Cabra upang sunduin ang may sakit na sundalo ngunit naantala ang misyon nang halos 10 oras dahil sa umano’y panghaharang ng mga barko ng CCG.
Sinabi ng PCG na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon ang navy personnel kaya agad silang nakipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines at iba pang ahensiya para sa ligtas na paglilikas nito.
Batay sa ulat, binomba umano ng tubig ng CCG vessel 5306 ang BRP Cabra habang papalapit ito sa Ayungin Shoal, dahilan upang umatras ang barko para matiyak ang kaligtasan ng mga tripulante.
Hindi rin umano pinayagan ng CCG ang mungkahing rendezvous point para sa paglilipat ng pasyente kaya nagpadala na lamang ang PCG ng RHIB upang sunduin ang sundalo.
Dakong alas-3:15 ng hapon nang ligtas na mailipat ang pasyente sa RHIB ng PCG. Pagsapit ng alas-5:00 ng hapon, matagumpay itong nakabalik sa BRP Cabra at agad na nabigyan ng paunang lunas ang sundalo.
Ayon sa PCG, karaniwang ilang oras lamang ang ganitong operasyon ngunit humaba dahil sa umano’y water cannon incident, hindi pagkakasundo sa rendezvous point at patuloy na pagbuntot ng mga barko ng CCG.
Nanawagan naman si PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa China Coast Guard na igalang ang mga humanitarian mission sa dagat at sumunod sa internasyonal na batas.
- Latest



















