Driver tepok, helper sugatan sa karambola ng 3 dump truck
MANILA, Philippines — Isang 58-anyos na driver ang idineklarang dead- on-arrival sa ospital habang nasugatan ang helper nito nang magkarambola ang tatlong dump truck sa Barangay Tignoan, Real, Quezon nitong Sabado ng gabi, Oktubre 3, 2026.
Kinilala ang nasawi na si alyas “Mel”, residente ng Brgy. Sulib, Pangil, Laguna, at driver ng puting Howo dump truck. Habang nasugatan ang helper nito na si alyas “Julius”.
Sa inisyal na ulat ng MDRRMO-Real bigla umanong nagpreno ang pinakaunang trak na biyaheng Laguna na minamaneho ni alyas “Aldo” habang binabaybay ang national road ng nasabing lugar.
Dahil dito, sumalpok ang kasunod na trak na minamaneho ni alyas “Bal” saka tuluyang bumangga ang ikatlong trak ng biktimang si Mel.
Dahil sa lakas ng banggaan, naipit si Mel ng ikatlong trak at agad namang nagsagawa ng rescue operation ang mga responder upang mailabas ang biktima mula sa loob ng sasakyan subalit pagdating sa Claro M. Recto District Hospital sa Infanta, Quezon ay idineklara na si Mel na Dead-on-Arrival ( DOA ).
Nasugatan naman ang pahinanteng si Julius at isinugod din sa pagamutan para sa kinakailangang atensyong medikal.
- Latest



















