Grade 11 sinaksak ng balisong ng kaeskwela!
Pinagbintangang nandura ng motor
MANILA, Philippines — Inoobserbahan sa pagamutan ang isang 15-anyos na estudyante makaraang saksakin ng nakaalitang kapwa estudyante sa isang eskuwelahan sa Laoag City, Ilocos Norte nitong Biyernes.
Sa report ng Laoag City Police Staton, ang biktima ay isang Grade 11 student sa Balatong Integrated School sa lungsod.
Ayon sa imbestigasyon, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng biktima at kapwa nito estudyante sa nasabing eskuwelahan dahil pinagbibintangan umano ng suspect ang una na dinuraan ang motorsiklo nito.
Sa gitna ng mainitang pagtatalo ng dalawa ay bigla na lamang bumunot ang suspect na isa ring 15-anyos na estudyante ng balisong at sinaksak ang biktima.
Natigil lamang ang pananaksak sa biktima matapos na dumating ang kanilang guro habang ilang pang mga faculty staff ang sumaklolo at inawat ang umatakeng estudyante.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang nasugatang estudyante para malapatan ng pangunahing lunas.
Isinailalim sa masusing imbestigasyon ang suspect at itinurnover sa kustodya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa pagiging menor-de-edad.
Kaugnay nito, nanawagan ang pulisya sa mga estudyante, mga magulang at mga guro na kaagad ireport ang mga insidente ng pambu-bully, pagbabanta at harassment para maiwasan ang karahasan sa mga paaralan.
- Latest





















