70-anyos inutas sa saksak ng ‘adik’ na manugang!

Dahil sa ‘tamang hinala’
CAVITE , Philippines — Nasawi ang isang 70-anyos na lalaki matapos saksakin ng sariling manugang na dating nalulong sa droga dahil umano sa selos sa Barangay 3, Lipa City, Batangas, kahapon.
Kinilala ng Lipa City Component City Police Station (CCPS) ang biktima na si alyas “Casiano,” 70 anyos, biyudo, residente ng lugar.
Tinutugis na ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na si alyas “Tukis,” 48-anyos, may-asawa, residente ng Purok 2 sa Barangay 3, Lipa City.
Ayon sa opisyal na ulat ng pulisya, naganap ang insidente ng alas-5:30 ng madaling-araw. Nasa labas ng kanilang bahay si Casiano at nakatayo nang dumating ang manugang na si Tukis na armado ng patalim at sinugod ang biktima at inundayan ng saksak
Nagtamo nang malalim na saksak sa kanang kilikili ang biktima. Duguan itong bumulagta habang mabilis ma tumakas ang suspek bitbit ang gamit na armas sakay ng itim na Yamaha Aerox na motorsiklo.
Agad namang isinugod ang biktima ng kanyang anak na babae si alyas “Rowena” sa Ospital ng Lipa sa Brgy. Marauoy, Lipa City pero idineklarang dead-on-arrival ni Dr. JP Orcia.
Sinabi ng pulisya na nagtanim ng galit ang suspek sa biktima dahil sa “tamang hinala” na may “illicit affair” o bawal na relasyon ang biyenan sa sarili niyang anak, na misis naman ng una, nang sumailalim sa drug rehabilitation ang suspek dahil sa pagkalulong sa droga hanggang sa makalabas.
Matapos ang pananaksak, mabilis na tumakas ang suspek lulan ng kulay itim na Aerox motorcycle.
- Latest






















