16-anyos dalagita inutas ng live-in partner!

MINALABAC, Camarines Sur, Philippines — Patay na nang matagpuan ng mga residente ang 16-anyos na dalagita sa madamong lugar sa likurang bahagi ng isang bahay sa Sitio Alvarez, Zone-4, Brgy.Tariric, Minalabac, Camarines Sur kamakalawa ng madaling araw.
Nang matanggap ang tawag ng ilang residente sa lugar dakong alas-5 ng umaga ay mabilis na rumesponde ang mga kasapi ng Minalabac Police Station at inabutan ang biktima na kinilalang si “Anna” na nakahandusay sa madamong lugar at may nakita ang mga pulis na mga sugat at gasgas sa leeg nito na pinaniniwalaang siyang ikinasawi.
Sa paggulong ng imbestigasyon ay umamin ang kinakasama nito na si “Donald,” 22-anyos, na siya ang pumatay sa dalagita at umano’y bilas ng biktima.
Nagpunta umano ito sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines sa Naga City at nagbigay ng kanyang sinumpaang salaysay sa mga abogado.
Dakong alas-4 ng hapon ay inaresto ang suspek ng mga pulis.
Hindi pa ibinunyag ang naging motibo ng pamamaslang at paano niya pinatay ang kinakasamang minor.
Isinailalim na sa autopsy ang bangkay ng biktima upang matukoy ang naging sanhi ng pagkamatay nito habang inihahanda ang kaso laban sa suspek.
- Latest



















