Marcoleta donations, hindi Investment - witness

MANILA, Philippines — Wala umanong dokumentong naglalarawan bilang “investment” ang mga donasyong ibinigay nina Mike Defensor, Joseph Espiritu at Aristotle Viray kay Sen. Rodante Marcoleta, ayon sa isang prosecution witness sa Sandiganbayan.
Sinabi ni Atty. Maria Mananghaya-Henson, director ng Luzon Field Investigation Bureau (FIB) ng Office of the Ombudsman, na ginamit lamang ng kanilang tanggapan ang “investment” bilang paglalarawan batay sa pahayag ni Marcoleta tungkol sa “utang na loob” mula sa kanyang mga kaibigan sa isang YouTube interview.
Ayon kay Mananghaya-Henson, hindi tinukoy ni Marcoleta kung paano o kailan babayaran ang sinasabing utang na loob, at hindi rin nito binanggit kung sinu-sino ang tinutukoy niyang mga kaibigan.
Wala rin umano siyang alam na ibang kasunduan sa pagitan ni Marcoleta at ng mga donor bukod sa mga Deed of Donation.
Inamin din ng witness na hindi inimbestigahan ng FIB kung may government contracts o transaksyon ang mga donor.
Kinumpirma rin niyang si Marcoleta mismo ang nanghingi ng pondo kay Viray, habang sinabi ng tatlong donor na ang kanilang mga donasyon ay para sa kanyang senatorial campaign.
Kinuwestiyon ng Sandiganbayan ang konklusyon ng FIB na gagamitin umano ni Marcoleta ang kanyang posisyon upang paboran ang mga donor.
Iginiit ni Mananghaya-Henson na batay sa findings ng bureau ang naturang konklusyon, ngunit ipinaalala ni Justice Fritz Delos Santos na hindi obligado ang korte na sundin ito kung walang dokumentong sumusuporta. Binigyan ang prosecution hanggang Setyembre 30 para isumite ang Formal Offer of Evidence.
- Latest


















