Brice Hernandez, 6 pa nag-plead ng not guilty sa P77 milyong ghost project

MANILA, Philippines — Naghain kahapon ng not guilty si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) engineer Brice Hernandez, at anim na iba pa sa kaugnay sa kasong graft na kinasasangkutan ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co hinggil sa umano’y P77 milyong “ghost” flood control project sa Balagtas, Bulacan.
Bukod kay Hernandez, kabilang din sa mga naghain ng not guilty plea ay sina Jaypee Mendoza, Juanito Mendoza, Arjay Domasig, Niño Morales, Floralyn Simbulan, at Christina Pineda.
Matapos basahin ang impormasyon ng kaso, iginiit ng depensa na nakasaad sa criminal information na hindi inirekomenda ang piyansa kahit na ang graft ay isang kasong maaaring piyansahan.
Humirit ang prosekusyon sa korte na amyendahan ang information at isama ang fixed bail na P90,000.
Ayon sa Office of the Ombudsman, ang proyektong sangkot sa kaso na iginawad sa SYMS Construction Trading ay idineklarang 100 porsiyentong kumpleto noong Mayo 2, 2025 sa kabila ng natuklasan sa inspeksyon na hindi naman umiiral ang naturang flood control structure.
Una nang naghain ng not guilty plea ang pito sa malversation charges sa Sandiganbayan Fourth Division. Nahaharap din sa hiwalay na kasong graft at malversation sina Domasig, Hernandez, Pineda, at dalawang Mendoza sa ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
- Latest





















