Kumpiskadong kotse ni Derek, may buyer na

Nasa opisina pa ng Land Transportation Office (LTO) ang kumpiskadong luxury vehicle ni Derek Ramsay ayon kay LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao.
“Nasa LTO pa rin, naka-impound. Kasi sa amin naman kaya namin in-impound sa LTO kasi iniimbestigahan naman namin ‘yung mga empleyado namin kung bakit nagkaroon ng OR/CR,” umpisa ng kuwento ASec. Lacanilao sa amin.
“Ngayon nagka-tax payment na questionable. Paano naman nagka-papel sa LTO. Although sina-submit naman ‘yan sa amin sa LTO. Pero kung ikaw ay LTO official, dapat bine-verify mo rin ang mga papeles. Hindi basta tanggap ka lang nang tanggap.
“So may liability rin ‘yung empleyado namin. Kaya under investigation sa amin,” dagdag na paliwanag ni ASec. Lacanilao sa amin kung bakit nanatili ito sa kanilang opisina.
Hanggang kelan po ang imbestigasyon?
“Hanggang next week tapos na ‘yan. Wala pong pinagkaiba sa Discaya na kotse. O ‘yung Bugatti, kung natandaan ninyo ang Bugatti. Ganun din ‘yun. Napapelan sa LTO. So, sa LTO natanggal namin ‘yung regional director kasi kasabwat siya, nagka-kaso. (Maaalalang noong March 2024 ay natuklasan sa internal investigation ng LTO ang tungkol sa pagpaparehistro ng dalawang sports car na Bugatti Chiron ang mga pagkakaiba sa idineklarang halaga ng mga sasakyan at commercial value nito ayon sa shipper na nakabase sa Hong Kong.
“Napansin ng mga imbestigador noon na ang halagang idineklara ng importer ay malayo sa halagang nakasaad sa commercial invoice na inisyu na nagpakita ng halagang $255,000 o humigit-kumulang P14,292,750.
“Gayunpaman, iniulat ng LTO na, batay sa pagtatantya ng Bureau of Customs, ang isang Bugatti ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang P165,000,000.
“Ang dalawang Bugatti sports car, na kulay red and blue, ay naging viral sa social media matapos makita ang mga ito sa mga kalsada ng Metro Manila.)
Halos ganito rin ang kuwento ng sasakyan ng inactive actor (Derek).
Pero ayon kay ASec. Lacanilao kay Derek talaga ang nasabing kotse: “Registered owner si Derek, sa kanya talaga,” ulit ni ASec. Lacanilao na umpisa nang umupo sa LTO ay maraming malalaking ‘tao’ ang inimbestigahan.
Dagdag niya pa: “Ang sabi niya nasa negotiation sila ni AJ (Vialago) sa bilihan ng sasakyan. Meron naman nagsasabi nabili na ni AJ nang hulugan pero sa kanilang dalawa ‘yung usapan kaya hindi namin masabi. Pero dahil si AJ ‘yung nag-violate, kasi naglagay siya ng peke na plaka na initial niya, kaya revoked (driver’s license) si AJ Violago.”
Ilang years po ang revocation?
“Two years.”
‘Yung plakang initial niya ‘di galing sa LTO? “Hindi. Peke siya, dahil nabili online. Panibagong kaso kaya ‘yun ang nag-revoke sa kanya.”
So, ‘yung kotse for auction, how much po? “Hindi na po sa amin, sa Bureau of Customs na po ‘yan. Sila po magdi-determine kung magkano ‘yung magiging halaga ng kotse kapag binenta. So, sa ngayon wala na po sa kanila ‘yan. Hindi ko lang alam kung nag-file ng kaso ang Bureau of Customs kay Derek kasi hinigpitan nila kasi misdeclaration.”
At may mga interesado na raw bumili sa kotse.
Maaalalang idineklara bilang mas murang Porsche Boxster sa mga dokumento kung kaya’t nasa ?2 milyon lang ang nabayarang buwis sa halip na sa tinatayang ?35 milyon na dapat bayaran.
Maaalalang si LTO ASec. Lacanilao ang personal na nakakita sports car sa EDSA na may plakang AJB 0918 at doon nga nila nadiskubre na walang ganoong plaka na naisyu para sa isang Porsche sa Pilipinas.
Ang nasabing sasakyan ni Derek na Porsche 918 Spyder ay 918 lang sa buong mundo at ang totoong halaga diumano nito ay aabot na ngayon sa P160 million.
Kaya ang tax daw na dapat nitong bayaran ay mga P35 million.
Idineklara nga diumano itong Porsche Boxster na sa peso ay nagkakahalaga lang ito ng P6 million kaya nagbayad lang noon ang actor ng P2 million.
Misdeclared daw ito.
Sa ngayon daw ay marami nang nagpaparamdam at interesadong bilhin ang nasabing kumpiskadong sasakyan ng dating mister ni Ellen Adarna pero walang nabanggit na pangalan kung sinu-sino ang mga ‘yun.
Isa pang naitanong namin kay ASec. Lacanilao ang tungkol sa kinasangkutang kaso ng Dabarkads Ian Red na nag-viral ang video na nagba-vlog na walang seatbelt.
“Syempre meron tayong seatbelt law na bawal talaga iyong ginagawa nila na nagda-drive ka tapos walang seatbelt, tapos bina-vlog mo pa. Ang masama doon, highway iyon eh, bumaba pa siya ng sasakyan tsaka siya sumakay ulit. Hininto niya iyong sasakyan.”
Na nagpalala sa kaso nito. “Yes, in the middle of the highway. Hindi ako sure kung traffic pero bumaba siya roon nagbi-video, baba siya tsaka sumakay. Ang ano kasi dun, syempre gumagawa ng video tapos sila mga TV host. Dapat maging example sila, hindi [dapat] nila ginagawa ‘yun. Syempre ang tao, lalo na ‘yung mga batang bago pa lang nagmamaneho, iisipin na, ‘okay lang iyan, sila pwede.’ Eh may batas eh, seatbelt law.”
Nakakabilib si ASec. Lacanilao na walang sinisino sa mga nagkakasala sa batas.
- Latest



















