P2 bilyong sa mga maleta, idineliber kay VP Sara
Aide ni ex-Speaker Velasco ‘kumanta’
MANILA, Philippines — Masusing iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ibinunyag ng isang dating pulis na nagsilbing security aide ni dating House Speaker Lord Allan Velasco, na naghatid siya ng male-maletang pera kina Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Davao City 1st District Representative Paolo Duterte.
Sa panayam ng GMA News, sinabi ni Rodulfo Gracioso Jr: “Aabot siguro, ma’am, mga dalawang bilyon, lampas pa. Lahat-lahat. Mga P2 billion pataas.”
Noong 2018 pa nang magsimula bilang head of security si Gracioso nang kongresista pa lang si Velasco hanggang sa 2020-2022 ay nagpatuloy pa nang maupong House Speaker.
Ayon sa ulat, may affidavit na si Gracioso na nagdetalye sa mga delivery ng mga maleta na naglalaman ng P20-P50 milyon ang bawat isa, na dinala niya sa mga Duterte sa Metro Manila hanggang sa Davao.
Taong 2018 nang una umano siyang maghatid kay VP Sara sa utos ng maybahay ni Velasco na tinawag niyang “Ma’am Wen,”.
“Yun sabi ni Mam Wen na abutan si Ma’am Sara… Ikakamada ako at 20M sa maliit na maleta. Pupunta kami sa Diamond Hotel, mam. Sasabihin ko, mam, ito mam, pinabot ni mam Wen. Tapos, o sige, bigay mo na lang kay Jef Tupas, ‘yung staff ni ma’am Sara. Yan ang pinakauna.”
Lalo pa umanong lumaki ang mga deliveries ng pera sa Davao na isinakay na sa tatlong van taong 2021.
“Kinakamada ko ‘yun, 200. Pinapaabot ‘yan mam ni Sir Allan diretso sa Davao. Tapos palaki na palaki ‘yun, hanggang may 500.”
Nag-turnover pa umano sila ng 10 van na para lang pagsakyan ng mga pera para kay Sara noong mayor pa siya, bukod pa sa luxury bags, mga relos, Royce chocolates na paborito nito.
Kabilang pa ang pagdadala umano ng P20-milyon kay Sara na ipinaabot kay Ramil Madriaga, na kaugnay sa Hugpong ng Pagbabago.
Aniya, lagpas P1-bilyon ang naibigay kay dating Pang. Duterte, na harapan niya ay tinanggap naman ni dating Special Assistant to the President Bong Go.
Nasa P100 milyon naman ang naihatid umano niya kay Paolo sa isang bar sa Makati, sa panahon ng pandemic.
Bumili pa aniya ng anim na bahay si Velasco para pag-imbakan ng mga pera dahil hindi kakasya sa 1,000 square meter lang na bahay.
Tinukoy rin niya na si dating Congressman Zaldy Co ay nagdadala rin ng pera kay Velasco, at ang ilang nagpakilalang bodyguards ni Co pa ang nag-abot sa kaniya ng male-maletang pera para ideliber sa Davao.
- Latest
















