NCRPO pananatilihin pagbaba ng krimen
MANILA, Philippines — Patuloy na paiigtingin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga hakbang laban sa krimen upang mapanatili ang malaking pagbaba ng mga insidente sa Metro Manila sa unang buwan ng panunungkulan ni PBGen. Christopher Abrahano bilang Officer-in-Charge.
Batay sa datos ng Crime Information, Reporting and Analysis System (CIRAS), 368 kaso lamang ng walong focus crime ang naitala mula Agosto 23 hanggang Setyembre 23, 2026, mas mababa ng 46% kumpara sa 683 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Kabilang dito ang murder, homicide, physical injuries, rape, robbery, theft, motorcycle carnapping at motor vehicle carnapping.
Pinakamalaki ang ibinaba ng theft na mula 321 kaso ay naging 171, habang bumaba ng 63% ang motorcycle carnapping mula 70 tungo sa 26. Bumaba rin ng 56% ang physical injuries, 40% ang rape, 36% ang robbery at 47% ang homicide. Wala ring naitalang motor vehicle carnapping kumpara sa 11 kaso noong nakaraang taon.
Gayunman, tumaas ang murder cases mula 16 tungo sa 20, dahilan upang ipagpatuloy ng NCRPO ang crime prevention at police operations. Sinabi ni Abrahano na hindi dapat maging dahilan ng pagbaba ng krimen ang pagiging kampante at mas mahalaga pa rin ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Sa iba pang operasyon, nakapagtala ang NCRPO ng 94.29% Crime Clearance Efficiency at 74.73% Crime Solution Efficiency. Nasamsam naman ang tinatayang P254.85 milyon halaga ng ilegal na droga at naaresto ang 1,339 drug suspects, habang 490 most wanted at 976 iba pang wanted persons ang dinakip.
Sa kampanya laban sa ilegal na baril, 303 indibidwal ang naaresto at 309 armas ang nakumpiska, habang 2,133 katao naman ang naaresto sa 1,003 operasyon laban sa ilegal na sugal. Ayon kay Abrahano, ipatutupad ang “Prepare. Prevent. Respond.” framework upang mapanatili ang police visibility, maagap na crime prevention at mabilis na pagtugon sa mga insidente.
- Latest


















