Pangulong Marcos mas maraming napakulong vs korapsyon

MANILA, Philippines — Mas seryoso at mas malawak ang kampanya laban sa korapsyon ng administrasyong Marcos, partikular sa mga proyekto sa imprastraktura, kumpara sa nagdaang administrasyon.
Ayon kay Atty. Howard Calleja sa panayam sa telebisyon noong Setyembre 24, mas binibigyang-diin ngayon ng administrasyong Marcos ang pananagutan at transparency.
“Kung titingnan mo ngayon sa panahon ni Marcos, sa tingin ko mas seryoso ang accountability at transparency dahil mas marami siyang napaaresto o napakulong, kaibigan man o kamag-anak,” ani Calleja.
Binanggit din ni Calleja na may mga naungkat ding kaso ng katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit wala umanong naging konkretong aksyon laban dito.
“Sa tingin ko kailangang tingnan ang rekord. Ano ba ang nangyari sa loob ng anim na taon ni Duterte? Sa halip na habulin ang mga tiwaling opisyal, inamin na nga noon na maraming korapsyon sa DPWH at Customs, pero may napakulong ba sila noong panahong iyon?” dagdag niya.
Sa ilalim naman ng administrasyong Marcos, mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang naglantad ng umano’y katiwalian sa mga flood-control project at nag-utos ng masusing imbestigasyon. Nagbunga ito ng pagsasampa ng mga kaso laban sa ilang kontratista at opisyal ng gobyerno, kabilang ang ilang miyembro ng Kongreso.
Punto rin ni Calleja na noong panahon ni dating Ombudsman Samuel Martirez, na itinalaga ni Duterte, nilimitahan umano ang pag-access sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga matataas na opisyal ng gobyerno. Inalala niya na kahit nag-utos noon si Duterte ng lifestyle checks sa mga opisyal ng pamahalaan, sinabi naman umano ni Martirez na, “Ang SALN ay papel lamang. Hindi ko nga ilalabas iyan.”
“Ang tanong, noong panahon ni Ombudsman Martirez, may nagawa ba? May nakulong ba? May mga nakulong noong panahon ni PNoy, pero pinakawalan pa nila,” ani Calleja.
- Latest





















