TNT bagong import ipaparada sa pagbabalik ng PBA
MANILA, Philippines — Bagong import sa katauhan ni Nick Hornsby ang ipaparada ng reigning champion na Talk ‘N Text upang maisalba ang kampanya nito sa pagbabalik-aksyon ng PBA Season 50 Governors’ Cup.
Papalitan ni Hornsby si Rahlil Hollis-Jefferson na kinailangang umuwi sa Amerika kasama ang kapatid at resident import ng Tropang 5G subalit nagpapagaling pa sa injury na si Rondae dahil sa pagpanaw ng lola nila.
Inaasahang dumating ang 31-anyos na si Hornsby kagabi subalit hindi muna isasalang sa PBA on Tour Game ng TNT bukas kontra sa Rain or Shine sa Candon City Arena sa Ilocos Sur.
Kagagaling lang ni Hornsby, tubong Irvine, California at produkto ng Sacramento State sa US NCAA, sa Indonesia Basketball League para sa koponang Hangtuah Jakarta.
Bagama’t undrafted sa NBA Draft noong 2017, hitik sa karanasan si Hornsy sa Germany, Israel, Canada at Mexico bago magawi sa Southeast Asia upang maglaro sa Indonesia at tsaka ngayon sa Pilipinas.
Ayon kay TNT team manager Jojo Lastimosa, si Hornsby na ang magiging import ng Tropang 5G sa natitirang bahagi ng elimination round habang hinihintay ang tuluyang paggaling ng original import na si Rondae na nag-eensayo na ulit.
Wala pang kasiguruhan sa eksaktong pagbabalik ni Rondae matapos magtamo ng Achilles injury noong nakaraang taon bilang guest import ng Meralco sa EASL subalit umaasa ang TNT na aabot siya sa quarterfinals.
Si Rondae ang nagtrangko sa huling 3 kampeonato ng mga bataan ni coach Chot Reyes na may 4-4 kartada ngayon sa Group A ng natenggang Governors’ Cup.
- Latest























