Kampo ni Duterte, hiniling sa ICC na ibasura ang testimonya ng testigo
MANILA, Philippines — Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Trial Chamber ng International Criminal Court (ICC) na tanggihan ang kahilingan ng prosekusyon na tanggapin bilang ebidensya ang naunang naitalang testimonya ng isang testigo.
Sa isang mosyon na may petsang Setyembre 22, iginiit ng kampo ni Duterte na ang testimonya ng testigo na si P-1100 ay hindi sapat na may kaugnayan o may sapat na halaga bilang ebidensya sa kaso.
Bilang alternatibo, hiniling ng depensa sa Trial Chamber ng ICC na “REJECT the request for admission of PHL-OTP-00001799, PHL-OTP-00001796, PHL-OTP-00001794, and PHL-OTP-00001795 under Rule 68(3).”
Iginiit ng depensa na si P-1100, na nais iharap ng prosekusyon bilang fact witness ay walang sapat na personal na kaalaman sa mga usaping pinagtatalunan sa kaso ni Duterte.
Ayon sa mga abogado ni Duterte, hindi makapagbibigay si P-1100 ng direktang ebidensya tungkol sa ilang usapin dahil umano wala siyang personal na kaalaman sa mga ito.
Nauna nang sinabi ng prosekusyon na maaaring makatulong ang ebidensya ni P-1100 upang maitatag ang umano’y polisiya na “neutralise” ang mga kriminal sa pamamagitan ng mararahas na krimen kabilang ang pagpatay.
Kinuwestiyon ng depensa ang kakayahan ng saksi na iugnay ang mga pangyayaring naganap bago ang saklaw ng mga isinampang kaso sa mga umano’y pagpatay noong panahon ng Duterte administration.
Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30, 2026.
- Latest

















