Pangulong Marcos: ‘Absolute pardon’ kay Mary Jane ikinokonsidera

MANILA, Philippines — Seryosong ikinokonsidera na ng Office of the President ang pagkakaloob ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso sa ilalim ng humanitarian grounds. Si Veloso ay dating domestic helper na nahatulan sa kasong drug trafficking matapos makumpiskahan ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia noong 2010.
Ito ang inianunsyo ni House Committee on Appropriations Senior Vice Chairman Albert Garcia (Bataan, 2nd District) sa deliberasyon ng P10.16 bilyong panukalang pondo ng OP para sa 2027. Ang pahayag ay tugon sa tanong ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago hinggil sa hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaso ni Veloso.
Nang tanungin kung kailan inaasahang igagawad ang pardon, sinabi ni Garcia na hintayin na lamang ang opisyal na anunsyo ng Pangulo sa mga susunod na araw.
Binanggit ni Elago na kinikilala ang kaso ni Veloso bilang human trafficking, at napuwersa lamang itong maging drug mule.
Magugunita na si Veloso ay nasentensiyahan ng firing squad sa Indonesia ngunit nanatiling nakakulong matapos ma-repatriate sa Pilipinas noong Disyembre 2024. Sa kasalukuyan, siya ay nakapiit sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong, habang patuloy ang apela ng kanyang pamilya para sa executive clemency.
- Latest



















