Will Ashley, may iba’t ibang kwento ng pag-ibig

Inilabas na ng Kapuso star na si Will Ashley ang debut album niyang Liham, na naglalaman ng walong sulat na ginawang kanta tampok ang iba’t ibang kwento ng pag-ibig.
Kabilang sa album ang Paborito, na inilabas ng Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2nd big placer noong nakaraang buwan at nagsisilbing key track, at ang mga awiting AAKH!, Harana Para Sa’yo, Dito Ka Na Lang, Sa Piling Mo, Sinta, Matutulog at Kasalanan.
Isang awit ng pag-ibig ang Paborito tungkol sa taong pinaka-nagpapasaya sa isang nagmamahal. Tungkol naman ang AAKH! sa paghihintay sa minamahal sa kabila ng walang kasiguruhan sa kanilang hinaharap. Isang makabagong harana ang hatid ng Harana Para Sa’yo habang may mensahe ng pangako at pagnanais na manatili ang minamahal sa Dito Ka Na Lang.
Samantala, tungkol naman sa pag-ibig na hindi dapat ituloy ngunit hindi rin maisantabi ang Sa Piling Mo habang ang Sinta ay naglalahad ng pagpili sa minamahal sa kabila ng mahirap na sitwasyon. Isang mala-panaginip na love song ang Matutulog habang humihingi naman ng kapatawaran ang isang nagmamahal sa Kasalanan.
Bukod sa pag-awit, nagsilbi ring co-writer si Will sa tatlong kanta ng Liham, kabilang ang Paborito, Sinta at Kasalanan. Si StarPop label head Roque “Rox” Santos naman ang nagprodyus ng album.
Nakisaya ang fans ni Will sa Liham album launch kahapon Linggo (Setyembre 20) sa SM North Edsa Skydome. Mabibili pa rin ang tickets sa halagang P4,850 (SVIP), P3,800 (VIP 1), P3,050 (VIP 2), P2,700 (Patron), at P1,850 (Gen Ad).
Napapakinggan na ang Liham album ni Will sa iba’t ibang music streaming platforms.
- Latest





















