P204 milyong shabu nasabat sa babaeng ‘tulak’ sa Las Piñas

MANILA, Philippines — Nasabat ng Philippine National Police (PNP) ang nasa 30 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P204 milyon mula sa isang babaeng ‘tulak’ sa buy-bust operation sa Las Piñas City nitong Sabado, Setyembre 19.
Sa report na tinanggap ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., si alyas “Girlie”, 40, ng Lubao, Pampanga ay naareesto sa Block 3, Lot 4, Quebec St., Phase 2, Vera Ville Town House, BF International.
Ayon kay Nartatez, nagsagawa ng operasyon ang Special Operations Unit-NCR ng PNP Drug Enforcement Group (DEG), katuwang ang iba pang police units na nagresulta ng pagkakasabat ng 30 kilo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu, na may estimated standard drug price na P204 milyon kay Girlie.
Nakipag-ugnayan din ang mga operatiba sa Integrity Monitoring and Enforcement Group at Philippine Drug Enforcement Agency-NCR.
Ani Nartatez, malaking dagok sa ilegal na kalakalan ng droga ang pagkakasamsam sa malaking bulto ng hinihinalang shabu. Tiniyak niyang magpapatuloy ang mga operasyon laban sa mga sangkot sa pagbebenta at pamamahagi ng ilegal na droga.
Nasa kustodiya na ng Las Piñas City Police Station ang suspek habang ipinasa sa Forensic Group Southern Police District ang nakumpiskang droga para sa laboratory examination. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng droga at iba pang posibleng kasabwat.
- Latest



















