Miyembro ng Termite Gang, 3 pa nasakote sa Cavite

CAVITE, Philippines — Arestado ang isang miyembro ng Termite Gang at tatlo pang kasama sa isinagawang warrant operation ng pulisya, kahapon sa Brgy. Conchu, Trece Martires City.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na Benjie, miyembro ng Termite Gang, mga kasamang sina alyas Chris, Julz at Wen.
Sa ulat ng pulisya, alas-10 ng umaga nang magkasa ang mga operatiba ng Trece Martires City Police, Cavite PIU, at Regional Intelligence Division (RID) 4A ng malawakang operasyon laban sa suspek na si Benjie.
Bitbit ng grupo ang kopya ng warrant of arrest laban kay Benjie sa kasong robbery na inisyu ng korte sa Balanga City, Bataan noong Setyembre 4, 2026.
Sa pagsalakay ng pulisya, nakorner ang suspek at mga kasama nito na nasamsaman ng iba’t ibang uri ng baril, mga bala, granada, at mga kagamitan sa pagnanakaw.
Ayon sa ulat ng pulisya, si Benjie ay itinuturong miyembro ng notoryus na “Termite-Robbery Group” na sangkot umano sa mga serye ng panloloob sa Calabarzon at iba pang karatig-rehiyon, kabilang ang nakaraang nakawan sa isang sangay ng J&T Express sa Pangasinan noong Agosto.
Nakuha sa mga suspek ang isang kalibre .45, isang 9mm na baston, dalawang kalibre .38 na revolver, 17 mga bala, dalawang granada at kagamitan tulad ng hydraulic jack, pala, crowbar, sledgehammer, at mga matalas na bagay.
- Latest















