‘True crime community’ iimbestigahan ng DICT, DILG!

Nag-udyok sa estudyanteng shooter
MANILA, Philippines — Magsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa naganap na pamamaril sa Banga National High School (BNHS) sa Banga, South Cotabato kamakalawa.
Ang imbestigasyon ay isasagawa matapos na magpasaklolo na ang Department of Education (DepEd) para sa aspeto ng “true crime community” na sinasabing kinaaaniban ng 16-anyos na Grade 9 shooter.
Sa ulat, sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na hinihingi ng DepEd ang tulong ng DICT at DILG para siyasatin ang pamamaril noong Biyernes ng hapon, sa nasabing eskwelahan na ikinasawi ng tatlong high school students kabilang ang Grade 9 na shooter na nagbaril sa sarili at pagkasugat ng pitong iba pang kaeskwela.
“Yun talaga gusto nating imbestigahan dahil hindi natin kabisado ‘yan. Hihingi tayo ng tulong sa DICT, DILG, at siguro talagang dapat imbestigahan nang maigi itong mga... dahil mukhang naimpluwensiyahan siya,” ani Angara.
Personal na nagtungo si Angara sa S. Cotabato at nabasa niya ang sulat ng shooter na may pahiwatig na ayaw niyang gawin ang bumaril.
“Alam niya na mali ang gagawin niya pero ginagawa pa rin niya dahil parang may nagkumbinsi sa kanya na gawin,” sabi ni Angara.
Samatala, kinumpirma rin nina Interior Sec. Jonvic Remulla at South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo na isang miyembro ng online true crime community o “deep dark web” na nagtuturo at nang-iimpluwensya ng karahasan.
“Upon investigation, he was heavily into the deep dark web. He was into the deep dark web which influenced him. According to his phone, he left several notes detailing his depression at tuluy-tuloy ito. And it was discovered last April 2026 ng parents niya. And the parents tried to handle the situation ngunit nagkulang,” sabi ni Secretary Remulla.
“Hindi lang ito national concern kundi international concern na, dahil mayroon silang social media platform na ginagamit na “True Crime Community”. Nagkakaroon ng indoctrination at binibigyan ng task na community o school shooting,” pahayag naman ni Gov. Tamayo.
- Latest















