Barko ng BFAR, sinalpok ng China Coast Guard sa Palawan

MANILA, Philippines — Sinalpok diumano ng China Coast Guard (CCG) ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na BRP Datu Magat Salamat nitog Biyernes sa may baybayin ng Palawan habang naghahatid ng tulong na krudo sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.
Ayon kay PCG Spokesperson to the West Philippine Sea (WPS) Rear Admiral Jay Tarriella, alas-11:04 ng umaga nang maganap ang insidente, may 54 nautical miles mula sa coast ng Palawan, sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Nabatid na unang nag-cut ang barko ng CCG sa barko ng BFAR sa distansiyang 10 metro lamang at wala pang 10 minuto ay inulit ng CCG ang delikadong pagmaniobra at dito na bumangga sa BFAR vessel na BRP Datu Magat Salamat.
Hindi natapos ang agresibong aksiyon ng CCG dahil matapos ang kolisyon at nagsagawa itong muli ng dangerous maneuver sa distansiyang limang metro lamang.
Ang insidente ay nagresulta sa pagkasira ng railings ng barko at pagkalagay sa alanganin ng buhay ng mga tripulante nito.
Kaagad inatasan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang mga surface at air assets ng PCG na asistihan ang barko ng BFAR at tiyakin ang kaligtasan ng mga tripulante nito.
Mariin ring kinondena ng PCG ang aksiyon ng CCG laban sa barko ng Pilipinas na namimigay lamang ng fuel subsidy sa mga mangingisda.
- Latest
















