Asian Games opening raratsada na sa Nagoya

MANILA, Philippines — Pormal nang magsisimula ang 2026 Asian Games ngayong araw tampok ang magarbong presentasyon na masisilayan sa Paloma Mizuho Park Athletic Stadium sa Nagoya, Japan.
Aarangkada ang programa sa alas-6 ng gabi (alas-5 ng gabi sa Maynila) tampok ang mahigit 15,000 atleta at opisyales mula sa mahigit 45 bansa sa rehiyon.
Masisilayan sa programa sina Emperor Naruhito at Empress Masako kasama si crown princess Akishino.
May temang ‘Harmonic Heart Beat’ ang edisyong ito ng Asian Games na magtatampok ng presentasyon ng malalim na kultura ng Japan.
Magmamartsa sa opening ceremony ang Team Philippines sa pangunguna nina Olympic boxer Aira Villegas at weightlifting champion Albert Ian Delos Santos na magsisilbing flag bearers ng delegasyon.
Suot ng pambansang delegasyon ang ‘Malaya’ na isang modern barong na idinisenyo ni fashion designer Francis Libiran.
Mangunguna sa kampanya ng Team Philippines sina Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo at Eldrew Yulo ng gymnastics na inaasahang kakana ng gintong medalya sa kani-kanyang events.
Hahataw din si Pinay tennis star Alex Eala na paboritong magkampeon sa women’s singles gayundin si two-time Olympian EJ Obiena na dedepensahan naman ang kanyang korona sa pole vault.
Susuntok naman ng gintong medalya sina Olympians Eumir Marcial, Carlo Paalam at Nesthy Petecio kasama si Villegas.
Binubuo ang Team Philippines ng 464 atleta na sasabak sa 39 iba’t ibang disiplina.
Ito ang pinakamalaking delegasyon ng Pilipinas sa Asian Games.
Target ng Pinoy athletes na malampasan ang apat na ginto, dalawang pilak at 12 tanso ng Pilipinas noong 2023 edisyon ng Asian Games sa Hangzhou, China.
Optimistiko si Philippine Olympic Committee (POC) president Bambol Tolentino na kaya itong malampasan ng pambansang koponan.
Sa katunayan, walong ginto ang prediksiyon nito.
“We’re all dreaming anyway, so let’s dream big and make it eight. Why eight? Break it down: Four from Palembang (2018 Asian Games) and four from Hangzhou,” ani Tolentino.
- Latest




















