Rochelle, inamin ang problema nila ni Jopay

Kamakailan ay nailunsad na ang pinakabagong single ng SexBomb Dancers na ‘Mama,
Mama.’ Marami ang nakapansin na hindi kumpleto ang miyembro sa pinakabagong music video ng grupo. Si Rochelle Pangilinan ang tumatayong lider ng SexBomb Dancers.
Ayon sa dancer-actress ay hindi na talaga nakumpleto ang lahat ng kanilang miyembro mula nang nag-reunion concert noong isang taon. “Hindi na po talaga lahat eh. Kahit naman po no’ng simula ng (Get, Get, Aw! The SexBomb Concert) Rawnd 1 to 6 hindi naman na kami kumpleto. Rawnd 1 & 2, wala si Sugar (Mercado), wala si Jacque (Esteves), Rawnd 3, 4, 5 nandiyan sila. ‘Yung iba naman absent, wala si Cheche (Tolentino). Hindi po talaga makukumpleto. Karamihan sa amin mommies, may mga kanya-kanyang responsibilities na ginagawa. ‘Yung iba businesswoman. Kung hindi ka available, hindi ka available. Lagi ko ‘tong sinasabi sa kanila. Kung gusto mo, may paraan. Kung ayaw mo, marami kang dahilan,” makahulugang paliwanag ni Rochelle sa amin sa Fast Talk with Boy Abunda.
May bulung-bulungan na mayroong hindi pagkakaunawan sina Rochelle at Jopay Paguia. Hindi na nagkikita at nagkakasama ang dalawa ngayon. “Hindi ko naman talaga ikakaila. Sa isang pamilya, sa magkakaibigan, nagkakaroon diyan nang hindi pagkakaunawaan. But nakadepende pa rin ‘yan kung paano magiging maayos. Case to case basis, kung gustong maging maayos ng isa, magiging maayos talaga eh,” pagtatapat ng dancer-actress.
Bilang lider ng grupo ay nais lamang daw ni Rochelle na mayroon iisang mithiin ang lahat ng SexBomb Dancers. “Kasi lagi kong sinasabi sa kanya, sa lahat, general po ako lagi. Isa lang dapat ang goal natin. Tinanong ko silang lahat. Ano ang gusto n’yo, longevity? So ito ‘yung way natin na tatahakin. Kung gusto n’yong maging leader ako, kailangan rumespeto tayo. Kailangan magkaroon tayo ng respeto sa isa’t isa. Kailangan magkaroon tayo ng work ethics. Kailangan magkaroon tayo ng discipline. Maraming kailangang gawin na mapagkakasunduan ng bawat isa. Kumbaga, sa isang boat kailangan iisa lang tayo ng sagwan. Kasi hindi pwedeng hindi kayo makikinig sa akin. Tapos may gusto kayong iba. Mahihirapan tayo no’n, di natin alam kung saan tayo pupunta. Tinanong ko sila, ‘Ano bang gusto n’yo? Longevity o marami pang work?’ Kasi kung ayaw n’yo na, I’m good. Let’s stop. Kasi nakagawa na tayo ng legacy. Hindi na tayo bata para mag-away-away pa sa ganito. Magpapa-interview rito, ganyan. Gagawa tayo ng tsismis, pulutan tayo sa ganito. Hindi na ‘to maganda para sa edad natin. So kailangan lang, isa lang tayo ng goal. Kung ayaw mo na, we’re good. Just say it,” paglalahad ni Rochelle.
Dingdong, super pa TY kay Bitoy
Pansamantalang nagpapahinga si Dingdong Dantes bilang host ng Family Feud. Puspusan na raw kasi ang taping para sa The Master Cutter na pinagbibidahan ng aktor. Si Michael V ang napisil na pumalit kay Dingdong para maging game show host. “Personally ayaw kong may ibang mag-host eh. Gusto ko si Dingdong lang eh, pero kung hindi nga siya pwede, ayaw ko namang iba ‘yung mag-host nito. Kaya sabi ko, ako na lang,” natatawang pahayag ni Michael V sa 24 Oras.
Mahigit isang dekada na ang nakalilipas nang huling nakapag-host ng isang programa ang komedyante. Hindi na umano nanibago si Bitoy sa kanyang trabaho sa naturang game show ng Kapuso network.
Lubos naman ang pasasalamat ni Dingdong dahil napaunlakan ni Michael V ang pagrelyebo sa kanyang programa. “Idol na idol ko siya kaya nagpapasalamat ako kay Kuya Bitoy. Maraming, maraming salamat. Habang ginagawa muna namin ang Master Cutter, sobrang matutuwa ang manonood ng Family Feud, lalung-lalo na ‘yung magiging contestants nito. Thank you, Kuya Bitoy and bibisita ako very, very soon,” nakangiting pahayag ni Dingdong. — Reports from JCC
- Latest




















