Lady trader, nagpautang ng P1 milyon, binoga
MANILA, Philippines — Nasa kritikal na kondisyon sa ospital ang isang 37-anyos na ginang na negosyante matapos na siya ay barilin ng isa sa tatlong lalaki na nagpanggap na delivery rider at nagdeliber sa kanya ng parcel naganap kamakalawa ng hapon sa Brgy. Tejero, General Trias City, Cavite.
Ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa tiyan at dibdib ay kinilalang si alyas “Holie,” may asawa, negosyante at residente ng Dream Homes Subdivision ng nasabing lugar.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, alas-3:00 ng hapon ay nasa loob ng kanilang bahay ang biktima nang may dumating na Lalamove rider.
Sumilip sa bintana ang biktima para tingnan ang dumating na motorsiklo na may box na Lalamove na kung saan ay nagsalita ang rider na mayroong deliber na parcel.
Lumabas ang biktima at nang aabutin na nito ang parcel, isa pang motor na nakahinto sa kabilang gilid na may sakay na dalawang tao ang biglang umarangkada palapit sa una at dito na siya pinagbabaril at duguang bumagsak.
Mabilis na tumakas ang mga suspek na agad nakilala sa tulong ng mga CCTV sa lugar at maging dalawang motor na ginamit.
Sinisilip ng pulisya ang motibo ng krimen sa balak ng biktima ng pagsasampa ng kaso sa isang alyas “Lenie” na kanyang kliyente na hindi nagbabayad sa kanya ng utang nito na umabot na sa P1 milyon.
- Latest




















