‘Sunog sa MV June Aster, naging mabilis ang panyayari’ - kapitan

MANILA, Philippines — “Masyadong naging mabilis ang mga pangyayari kaya’t wala na akong nagawa pa nang matupok ng apoy ang barko.”
Ito ang inihayag ng kapitan ng barkong MV June Aster na nasunog noong Setyembre 9 sa Coron sa Palawan na ikinasawi ng 77 sakay nito.
Sa isinumiteng sinumpaang salaysay, sinabi ni Capt. Roel Sarmiento na nakaalis ang nasabing barko sa pantalan ng Baseco sa Maynila dakong alas-8:15 ng gabi. Naging maalon aniya sa simula ang kanilang biyahe ngunit kalaunan ay naging maayos din ito. Dakong alas-6:29 ng gabi nang impormahan siya ng kanyang steward hinggil sa biglang pagsiklab ang apoy. Kasalukuyan umano siyang nasa bridge watch noon at kaagad na inatasan ang mga tauhan na dalhin ang mga pasahero sa tulay.
Binuksan umano nila ang mga pinto at inihanda na rin ang water hose at fire extinguishers. Gayunman, nang tumingin siya mula sa starboard wing o ang kanang bahagi ng barko ay nakita niya ang paglagablab ng apoy roon.
Kaagad umano siyang tumakbo upang gamitin ang VHF radio at public-address system para mag-isyu ng warning ngunit bigla na umanong nag-blackout.
Inatasan rin umano niya ang mga tripulante na mag-deploy na ng mga life raft dahil wala na silang ibang pagpipilian kundi abandonahin ang barko.
Pinatalon umano nila ang mga pasahero sa tubig at tinangka pa niyang buksan ang pinto ng accommodation room upang alamin kung may mga tao pa roon ngunit hindi na umano niya nakayanan ang init.
Dito na umano siya pinilit ng mga tauhan na tumalon na sa tubig kahit walang life jacket.
Isang tripulante umano ang nagbigay sa kanya ng life jacket at tinulungan siyang makasakay ng life raft. Kasama umano niya sa life raft ang 5 indibiduwal at nagsagwan sila hanggang may makita pang pasahero na pinasakay rin nila.
Malaunan ay nasagip sila ng isang mangingisda at dinala sa pampang.
“Matapos makarating sa lupa, ako ay lubos na naluluha sa pangyayari. Natulala na lamang ako sapagkat wala na ako nagawa para pigilan pa ang paglaki ng apoy,” anang kapitan.
Dahil sa matinding trauma ay naglakad lang umano siya nang naglakad sa kalsada nang walang tiyak na patutunguhan.
“Hanggang ngayon, isip pa rin ako ng isip kung paano naging sobrang bilis ng pangyayari,” ayon pa sa kapitan.
Nang makarekober matapos ang limang araw ay nagpasya umano siyang magtungo sa tanggapan ng operator ng barko at sa PCG upang magbigay ng salaysay.
- Latest






















