Kampo ni Duterte, kinuwestiyon findings ng ICC experts

MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ng depensa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang findings ng mga eksperto ng International Criminal Court (ICC) na may kakayahan umano siyang humarap sa paglilitis.
Sa isang pampublikong redacted filing na may petsang Setyembre 14, iginiit ng depensa na ipinakita sa ulat ng mga eksperto ang malubhang kakulangan sa cognitive functioning ni Duterte, ngunit napagpasyahan pa rin ng panel na kaya niyang makabuluhang lumahok sa proceedings.
Ayon sa depensa na pinamumunuan ni Peter Haynes, KC, hindi sapat ang naging batayan ng konklusyon ng ICC experts mula sa mga pagsusuri, panayam, at medical records. Binigyang-diin nila ang tinawag na persistent memory problems ni Duterte, kabilang ang kawalan ng alaala na siya ay sinuri ng parehong panel 10 buwan na ang nakalipas.
Nabanggit din sa filing na nahihirapan si Duterte na matukoy ang tamang petsa, panahon, at maging ang kasalukuyang lokasyon.
Dagdag pa rito, tila naniniwala si Duterte na taong 2007 o 2008 pa, hindi niya matukoy nang tama ang ilang miyembro ng kanyang pamilya, kabilang ang mga apo, at nagbigay ng maling impormasyon tungkol sa huling pagkakataon na siya ay nahalal sa Pilipinas.
Sinabi rin ng depensa na hindi niya matandaan kung sino sa mga kamag-anak ang dumalaw kamakailan at hindi rin matukoy ang kasalukuyang Pangulo ng Estados Unidos sa isa sa mga pagsusuri.
Giit ng kampo ni Duterte, direktang may kaugnayan ang mga memory lapse sa kakayahan niyang tulungan ang kanyang mga abogado, dahil maaaring maapektuhan nito ang kanyang kakayahang alalahanin ang mahahalagang pangyayari.
- Latest


















