Eala no. 3 seed sa Singapore Open

MANILA, Philippines — Hahawakan ni Alex Eala ang No. 3 seed sa Singapore Open na nakatakdang umarangkada sa Setyembre 21 hanggang 27 sa OCBC Arena sa Kallang, Singapore.
Si Eala ang ikatlong may pinakamataas na ranking sa naturang WTA 500 event dahil sa kanyang kasalukuyang No. 18 puwesto sa WTA rankings.
Orihinal sanang No. 6 seed si Eala.
Subalit nag-withdraw ang ilang key players sa torneo kabilang na sina US Open semifinalist Jessica Pegula, Diana Shnaider at Sorana Cirstea dahil sa magkakaibang kadahilanan.
Dahil dito, hahawakan ni reigning French Open champion Mirra Andreeva ng Russia ang No. 1 seed habang magiging No. 2 seed naman si Amanda Anisimova ng Amerika.
Ang Top 4 seeds sa torneo ay makasisiguro ng first-round bye.
Kaya naman awtomatiko na si Eala sa second round ng Singapore Open.
Pasok din sa torneo sina world No. 19 Elise Mertens, No. 21 Ekaterina Alexandrova, No. 26 Maja Chwalinska, No. 28 Sara Bejlek at No. 33 Maria Sakkari gayundin sina No. 37 Donna Vekic, No. 38 Barbora Krejcikova, No. 40 Wang Xinyu, No. 41 Oleksandra Oliynykova at No. 51 Janice Tjen.
Nasa Pilipinas na si Eala para ipagpatuloy ang paghahanda nito para sa Singapore Open.
Matapos ang Singapore Open, agad itong tutulak sa Nagoya, Japan para naman sa Asian Games na papalo mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 3.
Kung magkakampeon si Eala sa Asian Games, awtomatiko itong papasok sa 2028 Olympic Games sa Los Angeles, California.
Si Eala ang magiging kauna-unahang Pinoy qualifier sa LA Olympics.
Kapalit ng paglalaro ni Eala sa Asian Games ang nakaabang na multa at penalty mula sa WTA.
Hindi masisilayan si Eala sa Beijing Open — na mandatory event ng WTA — dahil kasabay ito ng Asian Games.
Kaya naman posibleng mapatawan si Eala ng $10,000 penalty o mahigit P600,000 kasama pa ang iba pang penalty.
Wala pang sagot ang WTA sa kahilingan ng Philippine Tennis Association (Philta) na mabigyan ng exemption si Eala.
- Latest





















