VP Duterte may negosyo, walang idineklarang puhunan

MANILA, Philippines — Nagdeklara ng mga negosyo si Vice President Sara Duterte sa kanyang mga Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), ngunit walang idineklarang shares of stocks o kapital, ayon sa Ombudsman Records Division.
Ito ang ibinunyag ni Atty. Karen Batu, officer-in-charge ng Central Records Division, sa pagdinig ng impeachment trial kaugnay ng Article II (unexplained wealth). Sinuri ng prosekusyon ang SALN ni Duterte mula 2007 hanggang 2025.
Nagsimula si Duterte sa gobyerno bilang Vice Mayor ng Davao City noong 2007. Kabilang sa mga negosyong nakalista sa kanyang SALN ang Davao Emerging Taipan Corp., Davao Bounty Times Food Corp., at City Hall King Chow Foods Corp., kung saan siya ay tinukoy bilang stockholder.
Ngunit nang tanungin ng prosekusyon kung magkano ang acquisition costs, sinabi ni Batu na wala itong idineklarang puhunan sa 2007 SALN.
“Meron pong negosyo, pero walang deklaradong puhunan,” giit ng prosekusyon, na kinumpirma ni Batu.
Ayon kay Batu, nag-report si Duterte ng stock at equity noong 2008, ngunit wala ring nakasaad na stocks sa 2009 SALN. Mula 2010 hanggang 2012, nagdeklara siya ng iba’t ibang negosyo ngunit walang nakalagay na kapital. Sa pagitan ng 2024 at 2025, bagaman maraming negosyo ang nakalista, wala pa ring idineklarang shares of stocks o puhunan si Duterte.
- Latest
























