Video ni Marcoleta, iprinisinta ng Ombudsman
MANILA, Philippines — Iprinisinta ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan Third Division ang video recording ng naging pahayag ni Senador Rodante Marcoleta sa kaniyang TV program.
Ginawa ito ng prosekusyon bilang pangunahing ebidensya sa kinakaharap nitong kasong plunder kaugnay ng umano’y hindi idineklarang P75 milyong campaign donations.
Ipinakita ang video clip nitong Lunes, sa ginanap na bail hearing nina Marcoleta at kaniyang mga kapwa-akusado, kabilang si dating mambabatas Mike Defensor.
Ang clip ay mula sa kaniyang programa na “Sa Ganang Mamamayan” sa Net 25 na umere noong Nobyembre 2025.
Sa mismong video, tahasang inamin ni Marcoleta na nakatanggap siya ng tulong pinansyal mula sa kaniyang mga kaibigan at donor para sa kaniyang kampanya. Gayunpaman, hiniling umano ng mga ito na huwag ibunyag ang kanilang pagkakakilanlan.
Ayon kay Marcoleta, pinili niyang ilagay na “zero” ang nakuhang kontribusyon sa kaniyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) upang protektahan ang kaniyang mga donor.
Ngunit giit ng prosekusyon, ang mga pahayag na ito ni Marcoleta ay patunay na may naganap na transaksyon na itinuturing niyang “utang na loob,” na siyang naging matibay na basehan ng confidential fact-finding investigation ng Ombudsman.
Hindi naman kinuwestiyon ng kampo ng mambabatas ang katotohanan ng ipinalabas na video, bagamat tinutulan ng kaniyang legal counsel ang naging pagbasa at testimonya ng testigo ng Ombudsman hinggil dito.
- Latest
















