Teatro Kapamilya at Peta, nagsanib sa the art of breaking up

Muling nagsanib-puwersa ang ABS-CBN Teatro Kapamilya at Philippine Educational Theater Association (PETA) para sa kanilang pinakabagong handog na The Art of Breaking Up, isang dulang pinagbibidahan ng mga premyadong artista, batikang theater actors, at mga bagong mukha na susubok sa mundo ng teatro.
Kabilang sa powerhouse cast sina Jake Cuenca, Janella Salvador, Yen Santos, Nikki Valdez, Teroy Guzman, Bibeth Orteza, Carlitos Siguion-Reyna, Ruby Ruiz, Brent Manalo, JC Alcantara, Anna Luna, Dingdong Bahan, Analain Salvador, Jel Tarun, Yesh Burce, Jude Hinumdum, Meann Espinosa, at AJ Sison pati na ang featured vocalists na sina Jarren Garcia at Kolette Madelo.
Sa ginanap na media conference ng produksiyon, nagbigay ang cast ng paunang pasilip sa dula sa pamamagitan ng mga monologue na nagbigay ng ideya sa mga karakter na kanilang gagampanan sa entablado.
Ibinahagi nina Jake, Janella, Yen, at ilan pang miyembro ng cast ang kanilang excitement na makatrabaho ang ilan sa pinakamahuhusay na theater actors sa bansa.
Ayon sa kanila, malaking oportunidad ang The Art of Breaking Up upang matuto mula sa batikang theater actors at mas mapalawak pa ang kanilang kakayahan bilang mga artista.
Para naman kay director Dudz Teraña, parehong exciting at challenging ang pagbuo ng The Art of Breaking Up, lalo na sa pagsasama-sama ng mga artistang mula sa iba’t ibang larangan at may magkakaibang karanasan. Aniya, ipinapakita ng dula na magkakaiba ang paraan ng bawat tao sa pagharap at pagbangon mula sa isang hiwalayan.
Samantala, naniniwala sina Bibeth, Carlitos, Ruby, at Nikki na madaling makaka-relate ang mga manonood sa kuwento dahil sumasalamin ito sa iba’t ibang mukha ng pag-ibig, paghihiwalay, at paghilom.
Hango sa kilalang akda ni George de Jesus III na Kung Paano Maghiwalay, sinusundan ng The Art of Breaking Up ang magkakaugnay na kuwento ng iba’t ibang magkapareha habang hinaharap nila ang saya, sakit, at mga hamon ng pag-ibig at pakikipagrelasyon. Inihahatid din ng dula ang tapat na paglalarawan sa iba’t ibang paraan ng pagharap sa kabiguan, paghilom, panibagong simula.
Magsisimula ang The Art of Breaking sa Nobyembre 6 hanggang Disyembre 6. Available na ang tickets sa TicketWorld.
- Latest






















