La Salle pinana unang panalo

MANILA, Philippines — Ipinaramdam agad ng defending champion De La Salle University ang kanilang lakas matapos nilang gilitan ang National University, 89-87 kahapon sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum.
Lamang ng anim na puntos ang Green Archers, 85-79 may 3:07 minuto pa ang natitira sa fourth period pero naibaba ito ng Bulldogs sa isa kaya naging mainit ang labanan sa bandang dulo.
Nasa La Salle ang bola, hawak nila ang isang puntos na bentahe, 85-84, subalit pumukol ng pamatay na tres si Andrei Dungo upang lumobo sa apat ang bentahe ng Taft-based squad, 88-84 may 49 segundo pa sa orasan.
Hindi naman basta nagpadaig ang Bulldogs, ipinakita ang huling bangis nang tapyasin ulit sa isa ang lamang ng La Salle, 87-88 may anim na segundo na lang sa payoff period.
Nagkaroon ng dalawang tsansa para manalo ang NU, sumablay ang dalawang free throws ni Jacob Cortez pero hindi nila nahablot ang bola kaya mabilis na nagfoul ulit ang Bulldogs.
Isa lang ang naipasok sa dalawang libreng tira ni DLSU power forward Mason Amos may tatlong segundo pa sa orasan, nagkaroon ng pagkakataon ang NU na tumira sa tres pero nagmintis si PJ Palacielo at tumunog na ang final buzzer.
Sa unang laro, nagliyab ang opensa ng Adamson University sa fourth quarter upang itakas ang mahirap na 56-53 panalo laban sa Far Eastern University.
Naghabol ang Soaring Falcons ng siyam na puntos, 37-46 sa third quarter, biglang pumutok ang opensa nina Nigerian center Precious Jonah, Mathew Montebon, Manu Anabo, Matty Erolon, at Mat Edding upang agawin ang lamang, 54-51 may 2:09 minuto na lang ang nalalabing oras sa fourth framea.
Pinamunuan ni Montebon ang opensa para sa San Marcelino-based squad, nirehistro nito ang 18 points at apat na steals para tulungan ang Adamson na ilista ang 1-0 karta.
- Latest

















