Kuya tsinap-chop, isinilid sa maleta ni bunso!

MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit na kamatayan ng isang 27-anyos na lalaki na matapos na paslangin ay tsinap-chop pa ng mismong nakababatang kapatid saka inilagay sa suitcase at ice chest sa lungsod ng Zamboanga nitong Sabado, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Zamboanga City Police, kinilala ang nasawi na si Raffy Muhalip Alam.
Isinailalim naman sa kustodya ng pulisya ang suspect na si Rashydy Muhalip Alam, 18 taong gulang, nakababatang kapatid ng biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang bangkay na tsinap-chop ay isinilid sa suitcase at ice chest ng suspect saka ina- bandona sa tindahan ni Nursida Habibain Juaini.
Laking gulat ni Juaini nang buksan ang maleta at tumambad rito ang putol-putol na katawan ng biktima kaya agad na ini-report sa pulisya ang krimen.
Nabatid na ang magkapatid ay kapwa residente ng Brgy. Sinunuc sa lungsod na ito kung saan natagpuan ang chop-chop na katawan ng biktima.
Sa pahayag ng ilang kamag-anak, madalas umanong magtalo ang magkapatid pero hindi nila sukat akalain na magagawa ng bunso na paslangin ang sariling kuya at pinakamatindi pa rito ay tsinap-chop pa.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo sa krimen.
- Latest





















