P60 dagdag-sahod sa NCR, mas mababa sa P85 - Sen. Raffy
MANILA, Philippines — Kinilala ni Sen. Raffy “Idol” Tulfo, Vice Chairperson ng Senate Committee on Labor and Employment, ang pag-isyu ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB-NCR) ng Wage Order No. 28 na magbibigay ng P60 dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila.
Ngunit binigyang-diin ng senador na mas mababa ito kumpara sa dapat sanang P85 wage increase mula sa Wage Order No. 27, na nauna nang inilabas noong Hulyo 2026 ngunit nasuspinde dahil sa temporary restraining order (TRO) ng Pasig RTC Branch 152.
“Karapatan ng mga manggagawa na matanggap ang umento sa sahod na nararapat para sa kanila, lalo na sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin,” saad ni Tulfo.
Hinimok niya ang Department of Labor and Employment (DOLE) na ipaglaban pa rin sa korte ang naunang P85 dagdag-sahod at huwag balewalain ang TRO. Aniya, tila nagiging “wage decrease” ang bagong P60 increase dahil mas mababa ito ng P25 kumpara sa naunang wage order.
Kasabay nito, muling iginiit ni Tulfo ang suporta ng kanyang mga kapwa senador para sa Senate Bill No. 2372, na naglalayong amyendahan ang Article 126 ng Labor Code upang ipagbawal sa mga regular court ang pag-isyu ng TRO laban sa anumang wage hike.
- Latest



















