Drainage inlets sa MM, titriplehin ang laki — DPWH
MANILA, Philippines — Upang mas mabilis na humupa ang baha sa Metro Manila ay titriplehin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang laki ng mga drainage inlets ng mga pangunahing kalsada partikular na ang mga bahaing lugar.
Ito ang sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon, alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakihin ang mga drainage inlet sa mga major thoroughfares, gaya ng ginawa sa EDSA Guadalupe-Estrella southbound upang mapabilis ang paghupa ng baha sa mga mababang lugar.
Sinabi ni Dizon na mula sa dating 0.5 metro lamang, gagawin nilang standard na 1.5-metro ang lawak sa lahat ng mga drainage inlets, na triple ang kapasidad para maiwasan ang matinding baha na nagreresulta sa matinding trapiko at pagkasayang ng oras ng mga motorista at komyuter.
Una na aniya nilang ginawa ito sa tatlong drainage inlets sa EDSA Estrella sa Makati City at nang maging epektibo ay nagpasya silang ipatupad na rin ito sa iba pang mga pangunahing kalsada.
Sisimulan ang pagpapalapad sa mga drainage inlets sa sandaling gumanda ang panahon at ipaprayoridad ang mga mabababa at mga bahaing lugar.
- Latest




















