‘Drug pusher’ kumasa sa buy-bust, todas
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Patay ang isang 50-anyos na tulak ng droga matapos umanong kumasa at makipagpalitan ng putok sa mga pulis sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Cambitala, Pantabangan, Nueva Ecija, noong Setyembre 8.
Ayon kay P/Col. Ritchie Claravall, provincial director ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), ikinasa ng mga tauhan ng Pantabangan Municipal Police Station ang buy-bust operation laban sa kilalang tulak sa Barangay Malbang ng nasabing bayan na si alyas “Jun”.
Sa gitna ng transaksyon, nakatunog umano ang suspek at biglang naglabas ng isang caliber .45 pistol ang suspek at pinaputukan ng dalawang beses ang isang pulis na tinamaan ng bala sa dibdib. Dahil sa suot na bullet proof vest, hindi tumagos ang bala sa pulis maging sa kanyang mga kasamahang alagad ng batas.
Bunsod nito, napilitang gumanti ng putok ang mga operatiba na nagresulta upang bumulagta at agarang namatay ang suspek.
Narekober sa crime scene ang 3-gramo ng shabu na nasa P20,400 ang halaga; isang caliber .45 pistol; buy-bust money; at ang tricycle na ginamit ng suspek sa kanyang ilegal na transaksayon.
- Latest


















