Sen. Cayetano, pumapel sa 2019 SEA Games – NBI
MANILA, Philippines — Hindi umano miyembro ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) si Senator Alan Peter Cayetano, subalit umakto siyang chairman ng organizing committee sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Ito ang sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa nakalap nilang dokumento kaugnay sa diumano’y anomalya sa 2019 SEA Games na lumabas na hindi kasali ang pangalan ng senador sa “relevant documents” ng Board of Trustees ng PHISGOC.
Dahil dito, nahihirapan ang NBI na iugnay si Cayetano sa nasabing anomalya kahit may bagong ebidensya na maaaring humantong sa pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng PHISGOC.
Naugnay si Cayetano sa nasabing kontrobersya dahil siya ang gumanap na chair ng PHISGOC matapos italaga noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang chairman ng nasabing komite.
Gayunman, sinabi ni Matibag na ang naging aksyon ni Cayetano ay maituturing na usurpation of function, na batay na rin sa mga testimonya ng testigo na nagsasabing si Cayetano mismo ang nag-uutos kung saan dapat ilaan ang pondo.
Bukod sa pondong natanggap mula sa Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission, at Philippine Amusement and Gaming Corporation para sa SEA Games, pinangasiwaan din ng PHISGOC ang bentahan ng ticket at mga kita.
Hanggang sa kasalukuyan ay gumagana pa ang PHISGOC at patuloy na nag-iisponsor sa mga international event at nakikinabang sa ipinagkakaloob ng gobyerno, kabilang ang mga exemptions.
- Latest




















