Binawasan ang sahod at dinagdagan pa ang trabaho
Dear Attorney,
Gusto ko lang po itanong kung tama pa rin ba ang ginagawa ng aming kumpanya. Noong inilipat ako sa isang proyekto dito sa Makati, ibinaba ako mula skilled rate tungo sa labor rate. At ngayon po ay nagtatrabaho ako sa operations department, ngunit binibigyan din ako ng gawain ng iba pang department, at ginawa pa akong encoder at checker ng admin na dati naman ay hindi naman parte ng trabaho ko. Tama pa po ba ito? —Abe
Dear Abe,
Malaking isyu ‘yang ayon sa iyo ay pagbaba mo mula skilled rate tungo sa labor rate, kung ang ibig sabihin niyan ay nabawasan ang iyong sahod. Sa ilalim ng Article 100 ng Labor Code, ipinagbabawal ang tinatawag na diminution of benefits, o ang pagbawas o pag-alis ng employer ng mga benepisyo at sahod na kasalukuyang natatanggap na ng empleyado. Bukod dito, ang pagbaba ng sahod o ranggo ay isa sa mga paraan ng constructive dismissal. Sa kasong Peckson v. Robinsons Supermarket Corp. (G.R. No. 198534, 3 July 2013) ipinaliwanag ng Korte Suprema na may constructive dismissal kapag ang paglilipat sa empleyado ay nagresulta sa pagbaba ng kanyang ranggo, sahod, o benepisyo, o kapag ito ay ginawa nang walang makatwirang dahilan.
Totoo na may management prerogative ang employer na maglipat at magtalaga ng mga gawain sa kanyang mga empleyado, ngunit may limitasyon pa rin ito. Sa kasong Blue Dairy Corporation v. NLRC (G.R. No. 129843, 14 September 1999) itinakda ng Korte Suprema na ang pag-transfer ay dapat makatuwiran at hindi dapat magresulta sa pagbaba ng kanyang ranggo o sahod.
Kaya kung matapos kang ilipat ay ibinaba pa ang iyong sahod, malinaw na hindi iyan patas at maaaring ituring na pang-aabuso sa tinatawag na management prerogative.
Bukod sa maari kang magreklamo para ibalik ang dati mong sinasahod, sa kabuuan ay maari rin ituring ng batas na hindi na makatarungan ang iyong sitwasyon sa trabaho lalo na’t dinagdagan pa ang iyong mga tunkulin. Puwede iyang maging batayan ng reklamo para sa constructive dismissal.
Maipapayo ko na ipunin mo na ang iyong mga payslip bago at pagkatapos ng ginawang paglilipat sa iyo upang malinaw na makita ang pagbaba ng iyong sinasahod, at itala mo rin ang lahat ng mga idinagdag na tungkulim sa iyo para may patunay ka na hindi na makatuwiran ang iyong kasalukuyang sitwasyon sa trabaho.
- Latest















