Gilas handa sa Bahrain kahit may 4 na naturalized players

MANILA, Philippines — Lalong naging matarik ang aakyating bundok ng Gilas Pilipinas para madepensahan lang ang korona sa Achi-Nagoya Asian Games.
Hindi lang isa kundi apat na naturalized players ng Bahrain ang mag-aabang sa Gilas Pilipinas para sa unang duwelo nito bukas sa Group C.
Bukod kasi sa resident naturalized player na si JaKarr Sampson, ipaparada rin ng Bahrain sina Uros Ilic, Austin Ajukwa at Elijah Thomas bilang bahagi ng 12-man line up nito.
Beterano ng Bahrain 3x3 ang 6-foot-10 Ilic na may lahing Serbian pati si 6-foot-6 guard Ajukwa na produkto ng Clemson sa US NCAA Division I.
May isa pang higante ang Bahrain na si 6-foot-11 Thomas mula sa Texas A&M at Clemson din ng US NCAA sahog pa ang karanasan para sa Al-Ittihad sa Saudi Arabia pro basketball leagues.
Dagdag pa rito ang beteranong si 7-foot-0 Sampson ng St. John sa US NCAA na kasama na ng Bahrain sa ilang FIBA tournaments tampok ang karanasan sa NBA para sa Philadelphia, Chicago, Denver, Sacramento at Indiana pati na sa Chinese Basketball Association (CBA).
Bahrain ang inaasaahang pinakamadali sanang katunggali ng Gilas subalit hindi na ngayon sa pinahirap na title defense bid ng mga bataan ni coach Tim Cone.
Manliliit ang all-PBA Gilas team ni Cone sa higanteng Bahrain ngayon lalo’t wala ang triple powers na sina 9-time PBA MVP June Mar Fajardo, Kai Sotto at AJ Edu pati na ang naturalized player na si Justin Brownlee.
Bukod sa Bahrain, mapapalaban din ang Gilas sa Kazakhstan at China sa Group C tampok ang hangaring makapasok sa Top 2 upang umabante sa knockout rounds.
- Latest

















