5 taong termino ng Barangay, SK lusot na

MANILA, Philippines — Inaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na nagtatakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK).
Sa botong 211-13-0, ganap na napagtibay sa plenaryo ang House Bill (HB) 10971.
Sa sesyon nitong Martes ng gabi, itinakda na ang susunod na Barangay at SK Elections (BSKE) mula sa unang Lunes ng Nobyembre 2026 patungo sa unang Lunes ng Nobyembre 2028. Pagkatapos nito, ang BSKE ay gaganapin tuwing ikalimang taon.
Kapag naisabatas, aamyendahan ng HB 10971 ang Republic Act No. 12232, at palalawigin ang termino ng mga Barangay at SK officials mula apat na taon tungo sa limang taon.
Ayon sa panukala, ang mga incumbent officials ay itinuturing nang nakumpleto ang isang termino dahil sa dalawang taong ekstensiyon ng BSKE. Ang mga nakapagsilbi na ng tatlong termino ay hindi na maaaring kumandidato sa parehong posisyon, habang mananatili ang isang termino lamang para sa mga opisyal ng SK.
Samantala, ang hindi nagastos na pondo na inilaan para sa orihinal na iskedyul ng 2026 BSKE ay mananatili sa Commission on Elections (Comelec) upang suportahan ang nakatakdang halalan sa 2028.
- Latest



















