Hospital arrest kay Romualdez haharangin

PNP hospital nakaabang
MANILA, Philippines — Haharangin ng Office of the Ombudsman ang mosyon ni dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez para sa hospital detention.
“The prosecutors will strongly oppose the motion. In fact, the prosecutors will ask that not just one doctor but a team of government doctors assess whether or not the illnesses declared need confinement or can be managed outside of the hospital,” pahayag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano.
Giit ng prosekusyon, kung ang mga sakit ni Romualdez ay maaaring gamutin sa labas ng ospital, hihilingin nilang mailipat ito sa regular detention facility, gaya ng ibang akusado sa kasong plunder na walang piyansa.
Si Romualdez ay naisyuhan ng warrant of arrest noong Lunes habang nakaratay sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City, kaugnay ng kasong P7.4-bilyong plunder na isinampa ng Ombudsman laban sa kanya at tatlong iba pa dahil sa umano’y kickback sa flood control projects ng pamahalaan.
Samantala, sinabi naman ng Philippine National Police na handa na ang PNP General Hospital sa pagdating ni Romualdez kung saan naglaan na sila ng kuwarto rito.
Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) chief PCol. Allen Rae Co, isinagawa na ng PNP ang mga kinakailangang paghahanda para sa posibleng paglilipat kay Romualdez sa PNP GH kasunod ng kahilingan ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa Sandaigan bayan.
- Latest


















