Graduating nursing student, pinatay sa sakal ng pinsan
Tumangging magpautang ng P5-K…
MANILA, Philippines — Isang babaeng graduating nursing student ang pinatay sa sakal ng kanyang pinsan noong Linggo sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Sto. Cristo, San Antonio, Nueva Ecija.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Ann Pauline Fajardo, 21-anyos, 4th-year graduating nursing student at scholar sa Wesleyan University-Phipippines sa Cabanatuan City.
Naaresto naman ang suspek na isang 27-anyos na lalaki, negosyante at pinsang makalawa ng biktima at residente rin ng nasabing bayan.
Nabatid na natunton ng pulisya ang suspek sa pamamagitan ng paggamit ng “Find My” feature sa nawawalang iPhone16 Plus ng biktima, na kinuha ng suspek.
Umamin ang suspek na siya ang pumatay sa biktima sa pamamagitan ng pagsakal dito at gumawa ng extra-judicial affidavit confession sa ginawang krimen.
Lumalabas sa imbestigasyon na noong Setyembre 6 ay pinuntahan ng suspek ang biktima sa bahay upang hiraman ito ng P5,000.
Ang biktima ay mag-isa lang sa bahay dahil ang kanyang nanay ay nagtatrabaho sa ibang bansa, at ang kanyang kuya na isang seaman at nasa barko, habang ang kanyang tatay ay yumao na.
Dito ay tumanggi ang biktima na pahiramin ang suspek at nauwi sa isang pagtatalo at doon ay sinakal ng huli ang una hanggang sa ito ay mamamatay.
Nang mapatay ng suspek ang biktima ay natakot ito at sinubukang itago ang krimen para palabasin na nag-suicide kaya’t binalot niya ng kumot ang leeg at itinali nang mahigpit at ikinabit ang kabilang dulo ng kumot sa balangkas ng kama upang magmukhang nagpakamatay ito.
Lumabas sa autopsy report na ang sanhi ng pagkamatay ng biktima ay asphyxia by strangulation at kinasuhan ang suspek ng murder.
- Latest




















