Naburyong na si VP Sara sa rami ng problema
NAGING madrama ang pagtungo ni VP Sara sa QC-RTC para maglagak ng piyansa sa kinakaharap nitong kaso nang pagbabanta sa buhay nina PBBM, First Lady Liza Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez. Hiniling ni VP Sara na sabayan siya ng mga local at foreign media journalists sa pag-akyat sa hagdanan dahil natatakot daw kasi si Sara na matulad? siya kay Ninoy Aquino na binaril sa hagdanan ng eroplano kaya ayaw umakyat nito sa hagdanan ng QC Hall of Justice. Aray ko naman!
Matiwasay namang nakapaglagak ng piyansa si VP Sara at wala namang naganap na munti mang insidente o amba ng masamang plano sa buhay ng ating VP. Maraming nagkumento na baliw na lang ang maglalakas ng loob na saktan o bastusin man lamang si VP Sara sa gitna ng 400 nitong bodyguards. Aba’y nababaliw talaga ang magbabanta at magtatangka, ’di ba?
Nasa kainitan na ang impeachment trial ni Sara sa Senado na hanggang sa ngayon ay mga abogado lamang nito ang nakikipagbuno at hindi pa rin ito humaharap sa paglilitis na hindi na ipinagtataka ng ating mga kababayan. May prebilehiyo raw ba talaga ang isang VP na hindi harapin at sagutin ang mga ibinibintang sa kaniya o siga lang talaga? Tanong ‘yan ni Juan Tamban!
Marami nang nakapag-ikot sa ibang bansa na mga halal at opisyales ng gobyerno natin na pinagdududahang nagdedeposito ng mga perang ninakaw nila sa kaban ng bayan. Ang iba naman ay nagpakulong na lamang diumano dahil alam naman nilang makakalaya rin sila kapag nakaupo na ang karantso nila sa poder. Napakababa na ng moral ng mga Filipino. Tsk tsk tsk!
Nagiging malaking kahihiyan na ang dumayo sa ibang bansa at magpakilalang isang Pilipino dahil bantog na ang inaasal ng mga pulitiko nating walang inatupag kundi ang kupitan ang kaban ng bayan at kapag nabisto ay sila pa ang matatapang.
Nakamangha naman talaga ang bansa natin dahil sa kabila ng kahirapan at kagarapalan ng mga namumuno sa atin ay nakakapanindigan pa rin tayo bilang isang Pilipino. Na nabubuhay sa ayuda!
- Latest




















